Isang Silip sa Bario ni Lola
November 19th, 2007 by axis-yuriHindi
ako “close” sa mga kamag-anak ko, sa father side man o mother side. Isang ebidensya
ang madalas kong pagtatanong kung sino ‘yung pilit kumakausap sa ‘kin na hindi
ko naman kilala sa isang binyagan, eh first cousin ko pala. Wala namang masamang ginawa sa ‘kin ang mga
kamag-anak ko; hindi naman ako inapi noong bata ako, hindi naman ako minolestiya
ng tiyo ko, o kung anumang kari-rimarim na gawain. Ayaw ko lang sa kanila. Period.
Isang
masayang araw at walang pasok sa opisina. Mahimalang hindi ako pinapag-report ng aking pagkabait-bait na bosing
(dahil madalas ay kailangan talaga naming magtrabahong dalawa kahit weekends.) Balak ko nang araw na iyon na matulog
maghapon o ‘di kaya naman ay manood ng Devil Wears Prada ng paulit-ulit. Hindi ko alam kung anong ginawa ng aking
madaldal na nanay at napapayag akong sumama sa “bario.”
<pause>
Ang Bario
Ang
bario ay kung saan makikita ang karamihan sa aming mga kamag-anak sa aking mother
side. Ito ay napakalayong lugar. Mula sa syudad ng Angeles ay magbibiyahe ka
patungo sa “cabalenan” (town proper) ng Magalang (town sa Pampanga), at
pagkatapos ay magbibiyahe ka na naman para makaabot sa “bario” (o para mas
tama, Sitio Mapiña [na sa wirdung kadahilanan ay wala naman ni isang pinyang
nakatanim, ‘di gaya sa Tagaytay]). Sa
sobrang layo ng bario, humahalik na sa lapit sa iyo ang Bundok ng Arayat (or
bulkan yata, I’m not sure).
Ang
Bundok ng Arayat (or bulkan yata, I’m not sure talaga) ay nasa pagitan ng Nueva
Ecija (isang probinsiyang sikat lang at madalas lang marinig kapag ang usapan
ay patungkol sa palayan at bigas <kung bakit, ‘di ko alam.>) at Pampanga
(isang probinsiyang sikat naman patungkol sa usapin ng sisig, mga mumurahing GRO
sa Fields Avenue, at sa mga salitang ‘di umano ay dinadagdagan/binabawasan ng
letter H, P, F, <na kung tutuusin ay napakababaw na representasyon sa mga Kapampangan,
na kung tutuusin ay wala naman talaga akong pakialam at sinulat ko lang para
magmukhang bothered ako and that I care.>)
Bago
ka umabot sa “bario,” madadaanan mo at makikita ang simpleng pamumuhay ng mga
tao doon.
Sa iyong pagpunta sa
bario, habang tinatahak ang baku-bakung daan, makikita mo:
ø ang
pagkahaba-habang palayan
ø mga
bagong ligong kalabaw
ø mga
nakakatakot at mukhang minumultong kamalig
ø mga
poultry at bakahan na isang araw lang yata sa isang taon nililinis
ø mga
kawayang bakod na maari mong ikamatay kung aksidente/sadyain kang matusok/tusukin
dito
ø mga
batang naglalaro ng mga pang-mahirap na laruan, i.e. gagamba at pipitsuging plastic
na robot na may libreng kendi
ø mga
matatandang nagyoyosi ng pabaligtad <’yung sinusubo nila ‘yung may fire na
tip ng yosi. Sosyal noh?>
ø at
mga babaeng gulo-gulo ang buhok na parang hindi ba natutuklasan ang gamit ng hair
conditioner.
Lahat
ng ‘yan makikita mo pagpunta pa lang. Sabi
nga sa kasabihan, “Papunta ka pa lang,
gusto mo na bumalik.”
<resume>
Pagdating
sa bario, sinalubong ako ng makapal na usok na nanggagaling sa ginagatungang
malaking kawa. Hindi kami mangkukulam. Magluluto pala sila dahil kaarawan ng isa sa mga napakadami kong tiyo. Nasa “Bale Matua” (Kapampangan term sa bahay
ng matanda kung literal na ita-translate sa Tagalog, pero ibig sabihin ay
“ancestral house” sa Ingles) na ang lahat ng mga kamag-anak. Naka-sun glasses
ako noon, iwas pansin, ika nga.
Maayos
ang lahat, walang lumalapit sa ‘kin, legal akong magyosi sa harap ng mga
kamag-anak (dahil sweldo ko naman pinambibisyo ko), at naghihintay na lang ng
pagkain.
<pause>
Kailangan
niyong malaman muna ang general rules kapag nasa ancestral house ka.
Sampung Utos ni Lola
1. Dapat magmano sa lahat
ng mas matanda sa iyo (kung ayaw mong matsismis pag-alis mo na wala kang galang
sa mga matatanda. ) <Pinipili ko lang kung kanino ako magmamano.>
2. Binabantayan lagi kung
kumain ka na, hindi dahil concerned sila sa kalusugan mo, pero dahil binibilang
lang talaga. ‘Pag kumain ka na, ‘yung
susunod na oras na ng meal ang kain mo dapat. <Eh every 3 hours ako kung
kumain, kamusta naman ‘yun?>
3. Ang mga napapadaan na
mga malalayong kamag-anak at kapit-bahay sa ancestral house ay pwedeng kumain
hanggat gusto nila.
4. Ang mga bata
(approximately 6 taong gulang hangang 2nd year college <kung
umabot man sa level na ‘yun ang educational background>) ay mga utusan para
bumili ng paminta, softdrinks, at kung anu ano pa sa tindahan at, gaya sa Rule # 2, halos
‘di pwedeng kumain ng mahigit sa isang beses.
5. Bawal sindihan ang TV
pwera na lang sa mga pagkakataong may kudeta, pumutok ang isang bulkan, o kung
may palabas na wrestling at pinapakita si “Ultimate Warrior” at “Hulk Hogan” na
nagpapalakihan ng muscles. <god, I
still remember. Grrr! Nakakadiri!>
6. Tinatawag ka ni Lola sa
iyong petname.
Halimbawa:
Ang kuya ko, na ang pangalan ay Nimfer, ay
tinatawag ni Lola na “Fernando,” “Feryuk,” o ang favorite ng lahat, “Pindang,”
na isang Kapampangan term para sa tocino, dahil sa kadahilang tatanga-tanga ang
kuya ko noong bata siya at umapak sa nasusunog na basura at, syempre, nasunog
ang paa at nagmukhang <sabay sabay> “Pindang.”
Si Uncle Phikes, na malaki ang tiyan, ay
tinatawag ni Lola na “Karag,” na isa na namang Kapampangan term para sa isang
uri ng “tugak” (palaka).
Si Auntie Violi, na madalas ay pasigaw kung
magsalita, ay tinatawag naman ni Lola na “Volume,” na hindi na kapampangan
term, mga kaibigan, dahil Ingles na iyon.
7. May teorya si Lola na
kapag ginamit ang electric fan, madadagdagan ang kanyang bill sa kuryente ng
500 pesos kahit isang araw lang ginamit ang electric fan.
8. Ang pagsasama ng mga
barkada sa bario upang makapamasyal ay isang uri ng pagyayabang at tinuturing
na kahihiyan sa mga ka-bario.
9. Gaya ng marami, may
impresyon na ang mga lalaking may hikaw, mahaba ang buhok, at maporma kung
manamit ay nagdodroga at napapariwara sa buhay.
10. Ang kura paroko ng bario
at mga balik-bayan na kamag-anak lang ang may karapatang kumain ng sugpo.
<resume>
Hindi
ko sinusunod lahat ng utos ni Lola, maliban sa ang mga ito ay nakakatawa,
matanda na ako para mapalo at sanay na akong mapagalitan.
Nakahilata
sa papag, naghahanap ng maayos na signal ng cellphone, at nakikinig sa langitngit
ng mga kawayang hinahampas ng hangin, ‘yun ang ginawa ko hanggang
makatulog. Paggising ko, pinapaligiran
na ako ng mga batang nagtutuksuhan at kulang na lang ay alayan ako ng mga
bulaklak at dasalan. Noon ko naisip na
ngayon lang sila nakakita ng lalaking naka-skinny jeans at naka-sun
glasses. Ayaw kong isiping mangmang at
hindi salat sa kabihasyan ang mga tao sa bario, lalo na ang mga bata, pero nang
mga oras na iyon, gusto kong isakay ang mga bata sa isang truck at ipadala sa pinakamalapit
na SM mall at ipakita na 2007 na.
Isang
oras ang nagdaan bago mapaalis ng aking pinsan (na hindi ko na lang papangalan
dahil parang cool ‘pag ganun) ang mga bata.
Dumeretso
ako sa sala ng ancestral house.
<pause>
Mga Makikita sa Sala
ng Ancestral House
1. Isang lumang –lumang
altar na may imahe ni Mama Mary, Jesus na naka-maroon at may design ang heart,
at isang santong kulay green, na kapag tinitigan mo nang maayos ay parang
nabubuhay. Nakakatakot.
2. Isang lumang-lumang
Panasonic 23 inch TV na walang ibang registradong channel kung hindi ang
ABS-CBN, na kung hindi ako nagkakamali ay nabili pa noong early ‘90s, na binili
ng mga balik-bayang kamag-anak.
3. Isang medyo bagong
electric fan na naiwan ng mga balik-bayang kamag-anak dalawang taon na ang
nakakaraan.
4. Kawayang sofa na
mukhang bago dahil bawal gamitin.
5. Mga nagkalat na
naka-frame na larawan ng mga tito at tita, kasali na highschool picture ng
aking mahal na nanay na sa kanyang larawan ay kabuhok si Beyonce (sa pelikulang
Dreamgirls.)
6. Isang sulat-kamay na
pagkakapal-kapal na “pasyon,” na binabasa/kinakanta/inaalulong tuwing
“Maneldo/Kaleldo” (Kuaresma). (Sosyal.)
<resume>
Binuksan
ko ang eletric fan. Medyo bumuti ang
ayos ko dahil hindi na mainit. Si Lola
naman, sa mga panahong iyon, ay nakatitig na sa ‘kin at malamang ay iniisip
kung magkano ang nadagdag sa kanyang bill sa kuryente.
Natapos
ang araw ko ng ganun; natulog sa papag, nagpahangin sa electric fan, nagyosi,
at ni hindi kinausap isa man sa mga kamag-anak ko.
Bago
lumubog ang araw, nagpaalam na ako sa lahat at umupa ng tricycle para makauwi
sa bahay, dahil delikado raw ang umuwi kapag gabi dahil nagkalat ang mga NPA <Kung
totoo man ito, hindi ko alam.> Ang
alam ko lang, mas delikado ang manatili sa isang lugar na kahit pilit mong intindihin
ay hindi mo magawa.
Wala
akong sama ng loob sa sitwasyon ko sa mga kamag-anak ko. Ayaw kong isisi ang kahirapan o kawalan ng pinag-aralan
sa mga kawirduhang pinapatupad at ginagawa nila. Marahil,gaya ng marami, nabubuhay sila kung saan sila
masaya. Marahil gaya ko, natatawa din sila sa kung ano man
klase ng pamumuhay ang pinapairal ko.
Sabi
nga ni Vic Sotto sa pelikulang Enteng Kabisote 3, “Walang basagan ng trip.”*