mundo ng adobong baboy at mainit na kanin

Kung iniisip mo kung ano nagbago sa loob ng isang taon sa akin, simple lang ‘yan:  mas mabilis na akong mag-type ngayon.

Kung iisipin, napakababaw na realization <ano ba tagalog nun?> na matapos ang isang taon at wala kang maisip na nangyaring, well <ingles na naman>, matino o ‘yung tipong tinatawag na ingles na momentous.

Oo, hindi gaya noong nakaraang taon, may trabaho ka na (kunwari) <kung trabaho mang matatawag ang pagko-callboy sa Gateway.>  Oo, hindi gaya nung nakaraang taon, pambili man ng yosi wala ka.  Oo, ‘di gaya ng nakaraang taon, nasa bahay ka sa Pampanga, nanonood ng Daisy Siyete (nakakahiya mang aminin.)

Ngayon, may matatawag kang matinong ka-relasyon <I love you, Gummy.>  Ngayon, sanay ka na sa init ng mga airconditioned-kunong bus at mga hinayupak at antipatikong kunduktor.

Ngayon, sanay ka na ring hindi kumain <lalo na kung close-to-pay day (o kaya kapag walang customer)>

Madali lang maghanap ng dahilan para magmukmok at parusahan ang sarili.  Isipin mo na lang na ayaw mo ang trabaho mo, na nagalit sa iyo ang boss mo, na sinasadya ng kunduktor sa bus na sikohin/sikuhin <ano ba mas tama?> ka, na ang mga kaibigan mo ay hindi ka man lang hinahanap, na hindi ka na masaya sa buhay mo, na nakakaiyak ang mabuhay, na hindi mo napapanood ang Deal or No Deal, na ang isang blade na panglaslas ng pulso ay a-reach-away <ingles alert> na lang.

Pero sa totoo lang, hindi ka naman malungkot.  Oo, noon, malungkot ka<yata.> Pero ngayon, kailangan mo rin naman maging masaya.  Kailangan mo ring namang maramdaman na hindi ka lang tagahugas ng pinggan sa bahay, na hindi mo na gustong balikan ang panahon na excited kang labhan ang damit ng mga kapamilya mo sa bahay dahil wala kang magawa, hindi mo na memorized ang lahat ng  palabas sa lahat ng local channels (wala pa kayong cable, kamusta naman ‘yun), hindi ka na updated sa mga tsismis (nabigla ka pa nga ng malaman mo na si Vic Sotto at Pia Guanio pala.)

Ayaw mo na ring magturo dahil takot ka nang molestiyahin ng mga magugulo mong estudyante.

Malungkot ka na kung malungkot sa binabasa mo, hindi ito ang panahon para magmukmok.  Ang mundo ay puno ng mga katarantaduhang umiikot sa mga pagkakataong yumaman, sumaya, ma-“pusit,” mag-“pusit”o kahit sabay-sabay pa ‘yan. 

Ang mga taong nagsasawang mabuhay ay mga taong hindi binibigyan ng pagkakataon ang kanilang sarili na maramdaman ang tunay na kahulugan ng buhay:  pagyoyosi, ‘di pagpasok sa trabaho, pagsikreto sa tunay na halaga ng nakuha mong 13-month pay, paglalasing at pagta-taxi, at pagkain ng matatabang lutuin.

Pwede kang ma-hold-up, iwan ng boyfriend (o girlfriend, kung lesbiana ka), pwede kang malasing at mawalan ng pera, pwede kang mawalan ng topaking kaibigan <malamang may bipolar o adik lang talaga> pero sa kabila ng lahat, kaya mo rin namang maupo, ngumiti, at itagay ang malamig na SML.  Ang paraiso ay isang boteng maaring buksan sa pamamagitan ng lighter; pumapait din ito sa katagalan, pero hanggat hindi ka lasing, sige lang, itagay lang ang buhay.

Ang simpleng buhay na pinapaikot ng mga simpleng pangarap at ngiti ay mas mainam kaysa sa pag-abot sa mga ambisyong pagdating ng panahon ay hindi mo rin magugustuhan. (nasa likod ‘yan ng “Knorr Bangus Flavor” cubes.)

Sabi nga ng isa kong kaibigan, “Ayokong mag-artista, maganda na ako.”

“Hindi mo kayang makuha ang lahat, pilitin mo man, hindi niyo makakamit ang pag-ibig ni Dennis Trillo sa akin ay kanya ng ibinigay.”

Kain na, kaibigan.  Ito ang mundo ng adobong baboy at mainit na kanin.*

2 Responses to “mundo ng adobong baboy at mainit na kanin”

  1. van Says:

    wow. imfresseeve…

    miss you soo mats..

    jang kaplan da ka pa ikit. i miss enjoying nothingness with you.

  2. van Says:

    wow. imfresseeve…

    miss you soo mats..

    jang kaplan da ka pa ikit. i miss enjoying nothingness with you.

Leave a Reply